Sunday, October 15, 2017

Welgista (Kuno)

Welgista (Kuno)

Dalawang lalaki, sa bus ang umaakyat
Hindi nauupo pero sa pasahero humaharap
Sa hawak na megaphone sila mangungusap
Welgista raw silang naapi’t,  hinamak

Dito nila ilalahad sa mga pasahero
Ang naging karanasan bilang empleyado
Mga karapatan daw nilang, ayon sa Labor Law
Tahasang nilabag daw ng kanilang amo

Wala raw sa minimum ang kanilang suweldo
Iniipit din daw kanilang benepisyo
Nagtetengang kawali sa kanilang reklamo
Kaya nagwelga na sila’t, huminto sa trabaho

Apela nila’y tulong, sa mga nakasakay
Suportang salapi, kanila raw kailangan
Ano mang halaga ang sa kanila’y ibibigay
Labis nilang ikatutuwa’t, pasasalamatan


Ito ay ginaya lang, ng gustong kumita
At tanging puhuna’y, ang kapal ng mukha
Dapat memoryado raw, bibigkasing salita

Upang mga pasahero ay mapaniwala

Dahil naiiba, bagong modus operandi
Sila’y lumilikom ng malaki-laki
Ngunit asahan n’yong pagsapit nang gabi
Laman sila ng beer house at naghahapi-hapi

Ito’y modus na nauso’t matagal nanatili
Mga tao’y nililinlang sa kanilang panghihingi
Dito rin nag-ugat, ang pagka-pulubi
Ng mga welgista raw kuno, at mga inapi

Arman T. Francisco
City of San Jose Del Monte, Bulacan

August 31, 2010

Saturday, October 7, 2017

Parolado


Parolado

Sa bus sumasakay ang isang lalaki
Maayos ang bihis at hindi marumi
Sa pagkakatayo, paa’y nakapirmi
Sa mga pasahero, agad ay nagsasabi

“Kalalaya ko lang, mula sa piitan,
Parolado akong, walang uuwian
Gusto mang marating, aking lalawigan
Problema ko’y pamasahe at baon sa daan”

May isang papel siyang, ipinapakita
Na kanyang dinukot, sa harap na bulsa
Dokumento daw ito, ng pagpapalaya
Mula sa Bilibid na pinanggalingan niya

Ang samo sa sakay, kaawaan daw siya
Mabigyan ng tulong, kahit na raw barya
Ang diyes o singko, ay pupuwede na
Kapag daw pinagsama, mayroong halaga

Maawaing pasahero, nabagbag ang mga loob
Sa anyo ng taong iyon, na naninikluhod
Salaping papel, na sa kanya’y ipinagkaloob
Pabaon daw itong, kanilang inihahandog

Lumipas ang mga araw, ang Linggo’y naging buwan
Lalaking parolado, hindi pa rin lumilisan
Araw-araw na presensiya, sa bus na sinasakyan
Naging ordinaryo na’t nakahiratihan

Ang “obra maestra” n’yang ipinananawagan
Halos magasgas na, paulit-ulit na lamang
Ang mga pasaherong hindi pa ito nalalaman
Nagogoyo pa rin n’ya, dahil siya’y binibigyan

Nang ako’y malipat, sa probinsiya ng Bulacan
Ang ruta ko ay nagbago’t ‘di na sa bus sumasakay
Sampung taong singkad ang matuling namaalam
Nang muli ‘kong pasyalan, ang dati kong tinirahan

Sa bus na ang daan, kahabaan ng EDSA
Ako ay sumakay papuntang Ayala
Habang nakahinto, may taong sumampa
Tumindig sa gitna, saka siya nagsalita

“Kalalaya ko lang, mula sa piitan
Parolado akong, walang uuwian”
Agad nanumbalik sa isip kong nakaraan
Hindi ba’t ang tao ring ito, ang noo’y nanawagan?

Parehong apela, kanyang sinasabi
Parehong dayalog, ang namumutawi
Ngunit napansin ko, pasahero’y nakangiwi
Tila alam na nila, ganitong operandi

Panloloko man itong, ati’y masasabi
Ugaling panghihingi’y, asal ng pulubi
Sa kulturang nakaukit na, sino ang masisisi
Sila bang nagbibigay, na kumukunsinti?

Arman T. Francisco
San Jose Del Monte City, Bulacan
August 28, 2010


Monday, October 2, 2017

Mga Batang Badjao

Mga Batang Badjao

Nang minsang sa jeep, ako ay sumakay
Dahil malapit lang aking pupuntahan
May tatlong batang paslit, na dito ay lumulan
‘Di naman pumasok, at sumabit lamang

Dalawa ang umupo sa pasaherong daanan
Ang pumasok na isa, sakay ang nilapitan
Kanyang ipinamudmod mga sobreng walang laman
Mga Batang Badjao kami, pakilala ng tahasan

Sila ay umawit, na ang wika’y Pilipino
Sa saliw ng mga latang, ginamit na instrumento
Pero ako ay nagulat, sa narinig na liriko
May himig na pananakot, pahiwatig nito

Sa huling bahagi ng kanilang inawit
Kapag ‘di raw nilimusan, sila ay magagalit
Kuripot na pasahero’t  nakasakay na masungit
Kanila raw aabangan, bahala na ang mag-isip

Ako ay napatingin, at nagmuni na lamang
Ganito na ba ngayon, lumalaking kabataan?
Kung ngayong musmos pa lang, iniisip na’y  kalintikan
Paano na sa paglaki? Kawawa ang taong bayan

Nararapat na lunasan, itong sakit ng lipunan
Kultura ng panghihingi’y may bahid na ng karahasan
Edukasyon ay palawakin, ang tutuka’y kabataan
Sa gobyerno at magulang, itong aking panawagan

Arman T. Francisco
San Jose Del Monte City, Bulacan
August 25, 2010


Saturday, September 30, 2017

Boy Tambay, Boy Hila



Boy Tambak, Boy Hila

Sa mga kalsada’t  iba pang lansangan
Na may nalulubak, sa uka-ukang daan
Dito’y may tumatambay, dal’wang kabataan
Na nais manghingi, sa motoristang dumaraan

Ang isa kunwari’y, may hawak na pala
At tinatambakan uka sa kalsada
Ang kasama niya’y  may hawak  lata
Na sa dumaraan, hinihingi’y pera

May pagkakataong, lubid ang hinihila
Sa magkabilang dulo ng isang kalsada
Sa gitna ng lubid, may itim na tela
Na ibig sabihin’y  namatayan sila

Mga motorista’t pasaherong dumaraan
Kung may nagbibigay, meron ding umaayaw
Ito nama’y boluntaryo’t, hindi naman sapilitan
Mga nagdaraa’y meron pa ring kalayaan

Dito natin makikita, iba’t ibang paraan
Ng mga kabataang, sa ideya ay mayaman
Sa gawaing panghihingi, kumikita daw naman
Bakit pa raw magbabatak ng kanilang katawan?

Arman T. Francisco
City of San Jose Del Monte, Bulacan

August 20, 2010

Friday, September 22, 2017

Batang Punas Salamin



Batang Punas Salamin

Sa mga intersection, kabataa’y nag-aabang,
Sa mga bumibiyaheng, iba’t ibang sasakyan
Kapag nakatigil, agad nilang lalapitan
Salamin nitong kotse, pupunasan ng basahan

Pagkatapos ay kakatok sa salaming bintana
Palad ay ilalahad, hingi’y bayad sa ginawa
Ito namang mamang tsuper, na umuunawa
Barya ang ibibigay, sa nanghihinging bata

Ngunit merong driver na iba ang ugali,
“Di nila papansinin, kapag bata’y nanghihingi
Kapag sila ay kinulit, magpapakita ng galit
Mumurahin ang bata’t mata nila’y manlilisik

Sa ganitong sitwasyon,  ‘di nagpapatalo,
ang batang lansangan at isip sanggano
Kotse ay gugurlisan at tatakbong papalayo,
habang nagtatawa’t  ang driver ay tinutudyo

Isang pangit na larawan,  ating nakikita
Sa kagubatan ng lungsod, ng kalak'hang Maynila
Mga naglalakbay dito,t  mga gumagala
Iba-iba ang ugali’t, iba-iba ang pagmumukha


Arman T. Francisco
San Jose Del Monte City, Bulacan

August 12, 2010

Sunday, September 17, 2017

The Komiks and the Manga Script Writer

Me and my daughter
Anna Rhea (Reira) Francisco

Komiks. Ito ang nakagisnan kong porma ng libangan na kinahihiligang basahin ng aking ina at nakatatandang kapatid noong bata pa ako. Ito rin ang dahilan kaya na-inspire akong magdibuho. Ganoon man, hindi ko inaakalang sa paglipas pala ng panahon ay magiging bahagi ako ng larangang ito. Larangang itinuturing ko na isa ring porma ng literatura (pinagsamang kuwento, nobela at dibuho). Kung ating aalalahanin, sa mga nobela sa komiks hinalaw ang maraming pelikula na napapanood ng ating mga  lolo’t lola, nanay at tatay noong dekada 50, 60, 70, 80 at 90. Laging magkaagapay ang dalawang industriyang ito sa pagbibigay sa atin ng libangan.  Dito rin nakilala ang mga immortal komiks character’s na nilikha ng ating mga sikat na manunulat at dibuhista sa panahong iyon. Nakatutuwang alalahanin na minsan sa aking buhay ay pumalaot din ako sa larangang ito.  Ang nakalulungkot, kaming matatawag na “last batch” na gumalaw sa mundong ito kasama ang ilan pang natitirang beterano  (writers & illustrators) ang nagsara ng tabing o kurtina ng pamamaalam sa libangang ito na minsan ay namayagpag at tinangkilik ng maraming nagbabasa ng komiks sa Pilipinas.


Anna Rhea Francisco
(Reira Francisco)

Ninja Girl
Written by Reira Francisco
Illustrated by Rica Angela Padullo

Ghost Stories
Written by Reira Francisco
Illustrated by Rica Angela Padullo

My Godfather's Death Wish
Written by Reira Francisco
Illustrated by Sita Alvarez

Ibong Adarna (Reimagined)
Written by Reira Francisco
Illustrated by Peachy Balais

Ang panahon noon ay hindi na ngayon. Ito ay naobserbahan ko noong early 90’s, nang magsimulang mapanood ng mga kabataan ang mga animation TV series (Japanese made). Dito na-hook ang atensiyon ng mga kabataang Filipino. Hindi kataka-taka na  nang lumaon, maging sa pagdidibuho, ang mga anyo o larawan ng mga karakter  sa napapanood nila ang kanilang ginagaya. Ito ay mapapansin sa mga ipinadadalang illustrations ng mga kabataang nagbabasa ng Pilipino Funny Komiks noong dekada 90.  Ang impluwensiyang ito ang pumatay sa interes ng maraming kabataan noon sa traditional form of komiks.  Kasama sa mga naimpluwensiyahan nito ang aking anak, now a Manga script writer/artist. Although we have different opinion, interest, concept and views regarding this matter, I am happy for her kung saan nagawa rin niyang i-explore ang kanyang talent at imahinasyon sa pagsusulat ng script at sa paglikha ng mga karakter na nasa pormang Manga.  Ito ang kinabibilangan niyang mundo ngayon kung saan ito rin ang tinatangkilik ng mga katulad niyang kabataan. Ang masasabi ko lang, kung panahon ko noon, panahon naman niya ngayon...

...and it’s time for me to fade away, and happy to retire.


Saturday, September 16, 2017

Batang Kalabit-Penge

Batang Kalabit-Penge

Mga batang nag-i-idad, pito, walo hanggang sampu
At kung minsan ay meron pang, mababa pa rito
Sa halip na nag-aaral ang punta nila’t tungo
Sa kalsada't tumatambay, sa tao ay humahalo

Mga taong naglalakad, isa-isang lalapitan
Pagkalabit “pengeng piso” sabay lahad nitong kamay
Sa sandaling dinedma n’yo, ‘di n’ya kayo tatantanan
Bilisan man ang paglakad, kayo pa rin ay susundan

Kapag kayo ay nainis, sa paghinging sapilitan
Magbibigay na lang kayo’t, para agad makalisan
Nilimusang batang paslit, iba na ang babalingan
At pagsapit nang hapon, uuwi na sa tahanan

Mga "tamad na magulang", sa bahay ay naghihintay
Sa anak na namalimos at sa pera nitong ibibigay
Kapag barya’y kinupitan, anak pa ang lalatayan
Mumurahi’t ikukulong, ‘di bibigyan ng hapunan

Sa ganitong kalagayang, umiiral sa lipunan
Ang pagdami ng pulubi, kagagawan din ng magulang
Gumagalang batang paslit, sa ating lansangan
Panagutin ay magulang, silang dapat parusahan


Arman T. Francisco
San Jose Del Monte City, Bulacan
August 10, 2010